top of page

Ang Pilipinas ay Magiging Miyembro ng Trillion-Dollar Club

Anna Mae Yu Lamentillo

Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)


Ang ekonomiya ng Pilipinas ay ang ika-28 na pinakamalaking ekonomiya sa mundo ayon sa GDP (Purchasing Power Parity) base sa 2018 estimate ng International Monetary Fund. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagtala ang Pilipinas ng GDP (PPP) na ₱956 bilyon noong 2018. Kung kaya ng Pilipinas na mapanatili ang inaasahang GDP Growth na 6.5 porsyento sa susunod na dekada, ang ating tiger cub economy ay maaari nang maging bahagi ng trillion-dollar club, na kasalukuyang kinabibilangan ng Estados Unidos, China, India, Japan, Germany, Russia, Indonesia, Brazil, United Kingdom, France, Mexico, Italy, Turkey, South Korea, Spain, Saudi Arabia, at Canada.


Sa ulat na pinamagatang “Philippines Tiger Economy Still Set for Dynamic Growth,” ang prediskyon ng chief economist ng IHS Markit Asia-Pacific na si Rajiv Biswas ay: sa taong 2022, maaabot ng bansa ang upper middle-income status habang ang matatag na paglago ng ekonomiya ay nararamdaman ng sambahayan. Nabanggit nito na ang ekonomiya ng Pilipinas ay nakahanda nang dumoble sa 2026 patungo sa isang GDP na $1 trilyon sa 2032. Ang epekto sa mga mamamayan ay tila nagsimula na. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng 6.6 porsyento ang poverty incidence ng mga Pilipino--mula 27.6 porsyento noong unang kalahati ng 2015, bumaba ito sa 21 porsyento noong unang kalahati ng 2018. Sa ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA), mula sa 15.3 porsyento tumaas na ang average income sa 21.2 porsyento.


Skyway Stage 3

Ayon kay NEDA Undersecretary Adoracion Navarro, ang paglago ng per capita income ng pinakamababang 30 porsyento ng mga kabahayan ay tumaas — mula sa 20.6 porsyento lamang noong 2012-2015 period ay naging 29.2 porsyento noong 2015- 2018. Ito ay nagpapahiwatig ng pagtaas ng tunay na kita ng mahihirap, na nakatulong sa pagbabawas ng kahirapan sa mga pamilya at indibidwal na Pilipino.


Pinakamataas na credit rating

Binigyang-pansin din ng World Economic Forum ang potensyal ng Pilipinas sa Intergenerational Equity and Sustainability. Noong Abril 2021, natanggap din ng bansa ang pinakamataas nitong credit rating mula sa international debt watcher na S&P Global Ratings. In-upgrade ng S&P ang pangmatagalang sovereign credit rating ng Pilipinas mula sa “BBB” patungong “BBB+” — dalawang hakbang sa itaas ng investment grade rating — na may “stable” outlook.


Bagama't dati nang nagbabala ang IMF tungkol sa tumataas na inflation noong 2018 bilang posibleng hamon, ang problemang ito ay tila hindi na isang isyu ngayon. Sa katunayan, ang tingin ng Asian Development Bank ay bababa ang inflation sa 3.8 porsyento sa 2019 at 3.5 porsyento sa 2020. Ang prediksyon din nito ay tataas ang per capita GDP Growth sa 4.8 porsyento sa 2019 at 2020.


Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX)
Pagpapalaki ng pampublikong pamumuhunan

Sa economic assessment nito na inilathala noong 2018, binigyang-diin ng IMF ang pangangailangang palakihin ang pampublikong pamumuhunan sa Pilipinas kung nais nitong mapanatili ang pangmatagalang paglago at bawasan ang kahirapan. Sinabi nito na ang pampublikong pamumuhunan, kung mahusay na pinamamahalaan at naka-target, ay maaaring makatulong sa pagpapalakas ng pangkalahatang produktibidad, pasiglahin ang pribadong pamumuhunan, at bawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho. Ayon sa IMF Investment and Capital Stock Dataset, ang Pilipinas ay gumagastos lamang ng 3.9 porsyento ng GDP nito sa pampublikong pamumuhunan noong 2015. Mas mababa ito kung ikukumpara sa mga karatig-bansa tulad ng China (13.5%), Malaysia (9.2%), Vietnam (6.9%), Thailand (6.2%), at India (5.9%).


Build, Build, Build

Ang “Build, Build, Build” ay ang medium-term goal ng administrasyong Duterte na taasan ang paggastos sa imprastraktura mula 5.4 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa 2017, hanggang 7.3 porsyento sa pagtatapos ng 2022. Mas mataas ito kaysa sa 2.4 percent average na naitala ng nakalipas na anim na administrasyon sa nakaraang limang dekada — at ang pinakamataas na alokasyon ng budget para sa imprastraktura sa kasaysayan ng Pilipinas.


Mula noon, 6.5 milyong trabaho ang nalikha upang makagawa ng 29,264 kilometro ng mga kalsada, 5,950 tulay, 11,340 estrukturang pang-iwas ng baha, 214 na mga paliparan, at 451 na mga daungan.


Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX)
Ang Mega Bridge Masterplan

Isa sa malalaking proyekto ng Build, Build, Build ay ang Mega Bridge Program, isang master plan na naglalatag ng pundasyon para sa isang serye ng mga maiikli at mahahabang tulay na nag-uugnay sa mga lalawigan upang tuluyang ikonekta ang Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng land travel.


Ayon kay DPWH Secretary Villar, ang unang proyekto sa ilalim ng master plan, angPanguil Bay Bridge, isang 3.7-kilometrong tulay na nagdurugtong sa Tangub City sa Misamis Occidental at Tubod sa Lanao del Norte, ay nagsimula na noong Nobyembre 2018. Kapag natapos sa 2023, ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Tangub at Tubod ay mababawasan, mula sa dating 2.5 oras ay magiging 10 minuto na lamang. Paiikliin din nito ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Ozamiz City sa Misamis Occidental at Mukas, Kolambugan, sa Lanao del Norte mula sa dating 2.5 oras (gamit ang RORO operations) ay magiging 20 minuto na lamang.


Ang mga detailed engineering design ng Guicam Bridge sa Zamboanga Sibugay at tatlong tulay sa Tawi-Tawi (Nalil-Sikkiat Bridge, Tongsinah-Paniongan Bridge, at Malassa-Lupa Pula Bridge) ay kasama rin sa Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP) sa ilalim ng Asian Development Bank.


Anim na tulay na ngayon ang sumasailalim sa feasibility study:

(1) ang Bohol-Leyte Link Bridge, isang 22-kilometrong tulay na layong paikliin

ang paglalakbay sa pagitan ng mga lalawigan ng Bohol at Leyte sa loob ng 40 minuto na lamang;

(2) ang Negros-Cebu Link Bridge, isang 5.5-kilometrong tulay na magdurugtong sa Negros at Cebu sa loob ng 10 minuto;

(3) ang Cebu-Bohol Link Bridge, isang 24.5-kilometrong tulay na magpapabilis sa oras ng paglalakbay ng 70 posyento mula sa nakagawiang dalawang oras at sampung minuto, magiging 30 minuto na lamang;

(4) ang Luzon Sorsogon-Samar Link Bridge, isang 18.2-kilometrong tulay na mag-uugnay sa isla ng Samar sa Silangang Visayas sa pangunahing isla ng Allen-Matnog;

(5) ang Samal Island-Davao City Connector Bridge, isang 3.98-kilometrong tulay na durugtong sa Samal Circumferential Road sa Davao City; at

(6) ang Bataan-Cavite Interlink Bridge, isang 32-kilometrong inter-island bridge na mag-uugnay sa Mariveles, Bataan sa Corregidor at sa Naic, Cavite.

Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page