Ano ang Nakamit na ng Build, Build, Build? 29,264 kilometrong mga kalsada, 5,950 na mga tulay, 214 na mga paliparan, at 451 na mga daungan
Anna Mae Yu Lamentillo
Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)
Sinimulan kong isulat ang artikulong ito sa Build, Build, Build habang pabalik sa Maynila mula sa Tarlac matapos na pasinayaan ang unang 18-kilometrong bahagi ng Central Luzon Link Freeway kasama sina Pangulong Rodrigo Duterte, Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, Senator Bong Go, at si Tarlac Governor Susan Yap.
Ang Central Luzon Link Freeway, na nag-uugnay sa Tarlac at Nueva Ecija sa loob ng 20 minuto, ay bahagi ng Luzon Spine Expressway Network, isang master plan na naglalayong bawasan ang oras ng paglalakbay mula sa pinaka-hilagang bahagi ng Luzon, ang Ilocos, hanggang sa pinaka-timog na bahagi, ang Bicol, nang higit 50 porsyento sa pamamagitan ng pagtatayo ng 101-kilometrong high standard highway network.
Natapos ang pagtitipon bandang alas-otso ng gabi at nakarating kami sa bahay bago maghatinggabi. Kinabukasan, ang call time ay alas-singko ng umaga. Pupunta kami ni Secretary Mark sa Cebu para dumalo sa inagurasyon ng 129-kilometrong Metro Cebu Bike Lane Network at inspeksyunin ang pinakamahabang tulay ng Pilipinas — ang 8.5-kilometrong Cebu-Cordova Link Bridge.
Ito ang aming normal na gawain sa nakalipas na limang taon. Bagama't hindi madaling mapanatili, gusto naming sa pagtatapos ng aming termino ay masasabi naming ibinigay namin ang lahat ng aming makakaya. Para sa amin, ang Build, Build, Build ay isang pagkakataon para mapaganda ang estado ng Pilipinas. Ito ay isang pagkakataong isulong ang ating tiger cub economy sa trillion-dollar club. Binigyan tayo ng pagkakataong maging bahagi ng isang napakalaking gawain na gagawing mas komportable ang buhay ng mga Pilipino sa 81 probinsya ng bansa.
Sa simula pa lang ay malinaw na ang mga tagubilin ng Pangulo: Tapusin ang pinakamaraming proyektong Build, Build, Build hangga't maaari sa pinakamabilis na panahon. Hindi natin habol ang mga papuri.
Limang taon mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte, natapos na ng DPWH, sa ilalim ni Secretary Villar, ang kabuuang 29,264 kilometrong kalsada, 5,950 tulay, 11,340 estrukturang pang-iwas ng baha, 222 evacuation centers, 89 Tatag ng Imprastraktura Para sa Kapayapaan at Seguridad (TIKAS) project, at 150,149 na silid-aralan. Gayundin, 653 COVID-19 na pasilidad ang naitayo sa ilalim ng Build Build Build.
Bukod dito, natapos na ng Department of Transportation (DOTr), sa ilalim ni Secretary Art Tugade, ang 214 na mga paliparan, 451 na mga daungan, at ang unangland port ng bansa — ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Sa 29,264 kilometro ng mga kalsadang natapos, 2,025 kilometro ay farm-to-market
road, 94.99 kilometro ay farm-to-mill road, 1,376.26 kilometro ay missing links, 1,470.51 kilometro ay bypass o diversion road, 149.65 kilometro ay patungo sa mga paliparan, 293.19 kilometro ay patungo sa mga daungan, 703.54 kilometro ang patungo sa mga economic zone, at 2,436.40 kilometro ang patungo sa mga tourism destination. May kabuuang 3,122.73 kilometro ang napanatili, 4,686 kilometro ang pinalawak, at 3,591.96 kilometro ang na-rehabilitate at na-upgrade.
Kabilang dito ang NLEX Harbor Link Segment 10, ang Cavite-Laguna Expressway, ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, ang Laguna Lake Highway, ang Candon City Bypass Road sa Ilocos Sur, ang Slaughter House Road sa Davao City, ang Pulilan-Baliuag Diversion Road sa Bulacan, ang Calapan- Roxas Road sa Oriental Mindoro, ang Mandaue Causeway Road sa Cebu, ang Dipolog-Oroquieta Road sa Misamis Occidental, ang Dumaguete North Road sa Negros Oriental, at ang Taytay-El Nido Road sa Palawan.
Sa 5,950 na tulay, 1,366 ang pinalawak, 355 ang pinatayo, 1,805 ang na-retrofit, 1,389 ang na-rehabilitate, at 297 ang pinalitan. Humigit- kumulang 738 lokal na tulay rin ang naitayo.
Kabilang dito ang Lucban Bridge sa Cagayan, ang Marcos Bridge sa Marikina, ang Sicapo Bridge sa Ilocos Norte, ang Pigalo Bridge sa Isabela, ang Anduyan Bridge sa La Union, ang Tallang Bridge sa kahabaan ng Cagayan, ang Bolo-Bolo Bridge sa Misamis Oriental, ang Caguray Bridge sa Occidental Mindoro, ang Tinongdan Bridge, ang Pasac- Culcul sa Pampanga, ang Aganan Bridge sa Iloilo, at ang Maddiangat Bridge sa Nueva Vizcaya.
May kabuuang 11,340 estrukturang pang-iwas ng baha ang natapos mula noong Hunyo 2016 para palawakin ang mga protektadong lugar na madaling magbaha sa buong bansa.
Kabilang dito ang Mandaluyong Main Drainage Project, ang mga pumping station sa Barangay Wawang Pulo at Coloong, ang Flood Risk Management Project para sa Cagayan River, ang Flood Risk Management Project para sa Tagoloan River, ang Leyte Tide Embankment Project, at ang Pasig Marikina River Flood Control Project.
Ayon kay Villar, upang matugunan ang pangangailangan para sa mga pisikal na pasilidad na kinakailangan para sa elementarya at sekondaryang paaralan sa buong bansa, may kabuuang 150,149 na silid-aralan ang naitayo habang 17,647 silid-aralan ang nasa iba’t ibang yugto ng pagpapatupad.
Kabilang dito ang National High School sa Alaminos, Pangasinan, ang Alejandra Navarro National High School sa Davao City, at ang Bagong Pag-Asa Elementary School.
Sa sektor ng aviation at paliparan, natapos na ng DOTr at mga attached agencies nito ang 214 na mga paliparan sa ilalim ng administrasyong Duterte, at may 100 pang proyekto ang nagpapatuloy.
Kasama sa mga natapos na proyekto ang Bohol-Panglao International Airport, ang Mactan-Cebu International Airport, ang Sangley Airport sa Cavite, ang Lal-Lo International Airport, ang Tacloban Airport, ang Puerto Princesa International Airport, at ang Ormoc Airport.
Ang mga lokal na paliparan ay sumailalim din sa mga pagsasaayos at pagpapaganda. Kabilang dito ang mga gateway sa Camiguin, Virac, at Tuguegarao.
Kabilang rin ang Bicol International Airport, na naantala ng 11 taon, ang pangalawang passenger terminal building ng Clark International Airport; ang Davao International Airport; ang Bukidnon Airport; Surigao Airport; at ang Kalibo Airport.
Sa buong kapuluan, ang mga daungan ay ina-upgrade, inaayos, at pinagaganda
para mas mapagsilbihan ang publiko. Sa kasalukuyan, nakatapos na ang DOTr ng 451 commercial at social/tourism seaport projects, habang 101 ang nagpapatuloy.
Kabilang sa mga port projects ang pagtatayo ng pinakamalaking Passenger Terminal Building sa bansa sa Port of Cagayan de Oro, at ang rehabilitasyon ng Opol Port sa Misamis Oriental, Sasa Port sa Davao, Butuan Port sa Agusan Del Norte, Tubigon Port sa Bohol, Limasawa Port sa Southern Leyte, at Makar Wharf sa General Santos.
Ang unang barge terminal ng bansa, ang Cavite Gateway Terminal, ay naitayo na. Ito ay naglalayong bawasan ang trapiko ng truck sa mga pangunahing kalsada at bigyan ng mas mura at maayos na access sa mga kalakal ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga daluyan ng tubig.
Sa kaligtasan sa dagat, noong Hunyo 2021, nasa 564 sa kabuuang 600 parola o lighthouse na ang gumagana sa buong bansa.
Mga Riles
Para sa mga riles, may anim na proyekto ang DOTr na patuloy ang konstruksyon at isa ay sumasailalim sa rehabilitasyon.
Noong 2019, pagkatapos ng 40 taon at anim na administrasyon, ang Metro Manila Subway, ang unang underground railway system ng ating bansa, ay nagsimula na sa site-clearing works sa Valenzuela Depot. Dalawa sa 25 na napakalaking tunnel boring machine ay nasa Pilipinas na para sa pagsisimula ng underground works. Ito ay magpapabilis sa oras ng paglalakbay sa pagitan ng Quezon City at NAIA, ang dating isang oras at 10 minuto ay magiging 35 minuto na lamang.
Ang matagal nang naantala na MRT-7, na ang Concession Agreement ay nilagdaan noong 2008 ngunit halos walang paggalaw hanggang 2016, ay 60.93 porsyento na ngayong kompleto. Babawasan nito ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Quezon City at Bulacan, ang dating dalawa hanggang tatlong oras ay magiging 35 minuto na lamang.
Inaprubahan ng NEDA Board noong 2007 at natigil mula noong 2009, ang Common Station ay sumailalim sa 24/7 konstruksyon at ngayon ay kompleto na. Ang Common Station, na magkokonekta sa MRT-3, MRT-7, LRT-1, at Metro Manila Subway, ay kayang magsakay ng 500,000 pasahero kada araw.
Ang LRT-1 Cavite Extension, na naantala ng 19 na taon, ay nagsimula na ang tuloy- tuloy na konstruksyon sa wakas. Pabibilisin nito ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Baclaran at Bacoor, kung kaya't ang dating isang oras at 10 minuto ay magiging 25 minuto na lamang.
Ang proyektong LRT-2 East Extension ay natapos na at bukas na sa publiko. Pinapabilis nito ang oras ng paglalakbay sa pagitan ng Maynila at Antipolo. Ang dating dalawa hanggang tatlong oras, ngayon ay 40 minuto na lamang.
Ang MRT-3, na bugbog na mula sa mga taon ng mahina at maling pag-aalaga, ay sumasailalim na ngayon sa komprehensibong rehabilitasyon sa ilalim ng Sumitomo- Mitsubishi Heavy Industries ng Japan.
Ang Manila to Clark Railway, na binalak noon pang 1993, ay sumasailalim na ngayon sa tuloy-tuloy na konstruksyon. Ang unang set ng tren ng PNR Clark Phase 1 ay nagagamit na ng mga Pilipino. Ito ay magpapabilis sa oras ng paglalakbay sa pagitan ng Tutuban at Malolos, mula sa dating isa’t kalahating oras, ngayon ay 35 minuto na lang.
Ang PNR Clark Phase 2, PNR Calamba, PNR Bicol, Subic-Clark Railway, at ang Mindanao Railway ay nasa iba't ibang yugto ng procurement at pre-construction works.