top of page

Pagtatapos sa Panahon ng COVID-19

Anna Mae Yu Lamentillo

Wala akong pinuntahang graduation ceremony noong 2020. Kasama ako sa Class of COVID-19, isa sa 1.2 bilyong mag-aaral na naapektuhan ng pagsasara ng mga institusyong pang-edukasyon.


Binago ng COVID-19 pandemic ang paraan ng ating pamumuhay. Ang dati nating itinuturing na pinaka-simpleng aktibidad bago ang Marso 2020 — mga study session, dinner date, coffee meet-up—ay ipinagbabawal na ngayon at ang mga basic human conduct — paglalakad, pagmamaneho, at kahit magkahawak-kamay — ay kinokontrol na.


Tinanong ako ng mga kaibigan ko kung ano ang naramdaman ko sa hindi pagsusuot ng “Sablay.” Noong una, nakadidismaya. Gayunpaman, napagtanto kong ang graduation ay hindi nababawasan ng halaga dahil sa kawalan ng pagdiriwang. Para sa akin, ito ay katuparan ng isang pangako at pagkakataong tumulong sa muling pagtatayo ng isang bansang pinabagal ng pandemya ng COVID-19.



Ang huling pag-uusap namin ng aking ama, si Manuel Lamentillo, bago siya namatay ay tungkol sa law school.


Bago ako umalis papuntang Boston, binisita ko ang aking mga magulang. Sinabi sa akin ng aking ama, “I’m proud of you. Pero sana hindi excuse ang Harvard para hindi makapagtapos ng law sa UP. Babalik ka di ba?” Tumawa ako.


Kinulit niya ako, “Di ka pa sumasagot. Tawa lang nang tawa.”


Nagpatuloy ako sa pagtawa at tinanong siya “Gusto mo ba?” Sabi niya, “Oo.”


Doon ko sinabi sa kaniya, “Don’t worry, Pa. Tatapusin ko ang law school.”


Alam niyang nahihirapan akong balansehin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Maraming pagkakataong naisip kong tumigil, magpahinga. Madalas, ipinararamdam sa’yo ng UP Law na hindi ka sapat, hindi handa, at kailangan mag-improve. Sa paglipas ng panahon, nasanay na rin ako at marahil, sa pag-amin na ako ay may kahinaan, mas pinaghirapan kong magtagumpay.


Dalawang taon na ang nakalipas, nag-dinner ako kasama ang dalawa kong mentor sa UP Law — si Atty. Gaby Concepcion at Atty. Charlie Yu. Nung paalis na kami, sinabi ko sa kanila na nagbabalak akong mag-file ng leave of absence. Mas nangingibabaw sa akin ang kapaguran. Hindi ko makalimutan ang sinabi nila sa akin — “Hindi ka namin pipigilan ngunit dapat mong malaman na kung mag-leave ka, hindi ka kailanman magiging abogado.”


Alam kong tama sila. Hindi ito ang unang pagkakataong naisip ko ito. Sa katunayan, naisipan kong sumuko sa unang buwan ko pa lang sa law school. Ngunit kung may isang aral na itinuro sa akin ang UP Law, ito ay ang magpakita sa klase, anuman ang mga pangyayari o gaano man ako kahanda, o hindi handa.


Noong gabing iyon, umuwi ako para bisitahin ang aking ina, si Nora, at nalaman kong ginawa niyang library ang aming patio. Akala niya isang taon na lang ako sa law school. Natatawang sabi ko sa kaniya, “Delayed akech. Wag masyado mag-expect.”


Sa loob ng anim na taon, simula nang mag-umpisa ako sa UP Law noong 2014, nagkaroon ako ng apat na iba’t ibang trabaho sa magkakaibang organisasyon: sa United Nations Development Program, sa Food and Agriculture Organization of the United Nations, sa Office of Congressman Mark Villar, at ngayon, sa Department of Public Works and Highways.


Naaalala ko pa kung gaano kahirap para sa aking isuko ang aking trabaho sa United Nations para makapag-aral ako ng abogasya.


Nagtatapos ang klase ko ng alas nuwebe ng gabi, kaya ang puwede ko lang gawin ay kumuha ng huling flight papuntang Cebu ng alas onse ng gabi at isang connecting flight na alas kuwatro ng umaga papuntang Tacloban.


Maraming araw na natutulog ako sa airport.Nagbabasa ako habang nasa umaandar na kotse at sa airport terminal, umaasang matapos akong mag-aral para sa aking alas sais ng gabing klase.



Sinusunod ng UP Law ang Socratic Method. Babalasahin ng propesor ang mga class card, pipili ng isa na kaniyang tatawagin. Ganito ang routine namin tuwing gabi sa nakalipas na anim na taon (kahit na sa mga pagkakataong walang kuryente).


Sa totoo lang, maraming araw akong nagkulang. Ngunit hindi ko kayang talikuran ang aking trabaho nang hindi lumalaban. Napakagandang maging bahagi ng isang malaking inisyatiba.


Hindi ko makalilimutan ang unang beses kong nakita ang Tacloban. Ang amoy ng libo-libong mga bangkay ang pumuno sa lansangan. Sa ilang barangay, wala ni isang bahay ang nakaligtas sa pagkawasak. Ang mga estudyanteng nag-aaral para sa kanilang pagsusulit ay nagising kinabukasan na walang dala kundi ang kanilang mga suot na damit. May isang kinailangang pumili sa pagitan ng pagliligtas sa kanyang kasintahan at sa kaniyang isang taong gulang na pamangkin.


Sa kabila ng pinsala, ang mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Yolanda ay nag- uumpisa nang bumangon ilang linggo lamang pagkatapos ng bagyo. Nagkuwento sa akin ang isa sa kanila, “Isa ka araw, tatlo na lang kami. Waay na ang akung duha ka anak. Masubo pero kailangan mag-ubra. Wala man kami sarigan. (Isang araw, tatlong miyembro na lang ng pamilya ko ang natitira. Dalawang anak ko ang namatay. Malungkot ako pero kailangan ko magtrabaho. Wala kaming ibang maaasahan)”.


Ang pagtatrabaho sa United Nations ay nagturo sa akin ng survival, katatagan, at pakikipaglaban—lalo na sa pinakamalungkot na sitwasyon.


Isang araw, habang ako ay nasa Starbucks para mag-aral para sa aking exam, nagkita kami ni noo’y Las Piñas Representative Mark Villar, nakasuot ng UN hoodie, shorts, at flip flops. Sa gitna ng kumustahan, tinanong niya ako, “Wala kang balak bumalik sa politika?” Ang pabiro kong sagot, “Kung kukunin ninyo ako, Boss”.


Noong Pebrero 14, pormal akong inalok ni Secretary Mark ng trabaho at noong Abril

1, natanggap na ako. Ang isang desisyong base sa instinct, dahil 15 minuto lang ang layo ng Batasang Pambansa sa UP Law, ay naging isa sa mga pinaka-fulfilling na trabaho para sa akin.


Nakatira ako sa Metro Manila sa buong buhay ko, at bahagi ako ng isang henerasyong tumanggap (at nagreklamo tungkol) sa trapiko bilang paraan ng pamumuhay. Ang maging bahagi ng Build, Build, Build, ang programang pang-imprastraktura ni Pangulong Rodrigo Duterte, na naglalayong ikonekta ang 81 lalawigan, 146 na lungsod, at 1,489 na munisipalidad sa buong bansa, ay isang pagkakataong palagi kong ipagpapasalamat.


Madalas nagtataka ang mga kaibigan ko kung paano ako nakapagtapos sa UP Law habang pinananatili ang isang full-time job. Iyon ay dahil sa suporta ni Sec. Mark na nakaunawa sa halaga ng edukasyon at nagtulak sa aking maging mas mabuting bersiyon ng aking sarili. Madalas niyang ipaalala sa amin — “think outside of the box, speak up, and take accountability for our actions”.


Ang ibang mga kaklase ay kinailangang mamili sa pagitan ng pagtatrabaho at law school. Hindi iyon nangyari sa akin. Sa katunayan, kapag lagpas na sa alas-kuwatro ng hapon ang mga meeting, madalas akong makatanggap ng mensahe: “Do you have class? Go ahead.” Sa pagtatapos ng semester, nang bumalik ako sa trabaho pagkatapos ng bakasyon para sa aking huling pagsusulit, tinatanong ako ni Sec. Mark, “Pasado naman?” Sa bawat pagkakataon, tumatawa na lang ako.


Ngunit ngayon, sa wakas, pagkatapos ang anim na taon, apat na trabaho, 14,670 kilometro ng mga kalsada, 4507 na mga tulay, 6,022 flood mitigation structures, 129,479 silid-aralan, at 114 evacuation centers, magtatapos ako na may Juris Doctor Degree.


Para sa aking ina, ama, at kay April, nagawa rin natin sa wakas.



Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page