Pagtatayo ng mga Bike Lanes
Anna Mae Yu Lamentillo
Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)
Noong ako ay nasa Massachusetts noong 2020, inilunsad ng pamahalaan ng Boston ang “Go Boston 2030 Vision Framework,” na layong pagtibayin ang lungsod bilang “most walkable city” sa America sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga imprastrakturang magpapahusay sa pag-access ng mga naglalakad, o gumagamit ng bisikleta o scooter. Nais nilang tumaas ng 50 porsyento ang mga taong naglalakad papunta sa trabaho at tumaas ng apat na beses ang mga nagbibisikleta sa loob ng susunod na 10 taon.
Ito na ang uso sa maraming progresibong lungsod sa buong mundo. Sa katunayan, mula noong 2007, ang Boston ay nagtayo ng higit sa 144 kilometrong mga bicycle lane. Sa Denmark, gumawa sila ng “cycle superhighway” na sumasaklaw sa mahigit 20 lungsod at munisipalidad. Sa Amsterdam, ang mga mahilig sa museo ay maaaring dumaan sa Rijksmuseum, isang ika-19 na siglong museo na sikat sa Rembrandt’s Night Watch.
Sa Pilipinas, walang gaanong suporta sa patakaran o imprastraktura na tutugon sa mga pangangailangan ng mga siklista at pedestrian. Halos imposible at hindi ligtas na maglakad o magbisikleta sa tabi ng mga pambansang lansangan.
Noong 2011, sinuri ng Asian Development Bank ang walkability at mga pasilidad ng pedestrian sa mga lungsod sa Asya. Ipinakita nito na sa Maynila, tulad ng sa Hanoi, ang malaking bilang ng mga biyahe ay maaaring gawin sa pamamagitan ng paglalakad at bisikleta.
Ang datos mula sa Metro Manila Urban Transport Integration ay nagpakita na halos 35 porsyento ng mga destinasyon ay nasa loob ng 15-minutong lakad o bicycle trip, ngunit ang karamihan sa mga maikling biyahe ay ginawa ng paratransit (mga jeepney at tricycle) at mga sasakyan.
Sa kabutihang-palad, ang pananaw para sa imprastraktura ng Pilipinas ay mabilis na nagbabago.
Magiging mandatory na ang mga bicycle lane sa PH
Sa ilalim ng Department Order 88 na pinalabas ni DPWH Secretary Mark Villar, isasama sa disenyo ng lahat ng proyektong may kinalaman sa bagong pagtatayo ng kalsada at tulay ang pagbibigay ng mga pasilidad ng bisikleta, kung magagawa.
Ang mga proyekto tulad ng 6.94-kilometrong Laguna Lake Expressway ang magiging panuntunan. Ang tatlong metrong lapad na protected bike lane ay malapit nang maging karaniwan sa halip na isang natatanging tampok ng toll-free expressway na nagkokonekta sa Bicutan sa Taytay.
Mula noong 2016, sinisikap ng DPWH na isama ang imprastraktura ng pedestrian sa mga pampublikong kalsada sa Luzon, Visayas, at Mindanao. At ang pagpapalabas ng bagong patakarang ito ay naglalayong ma-institutionalize ito.
Ang Cagayan de Oro Coastal Road, Davao City Coastal Road, Leyte Tide Embankment Project, Pasig River Flood Control Project, Tagaytay Bypass Road, Bacolod Economic Highway, Antique Esplanade, Sorsogon Coastal Highway, at Boracay Circumferential Road, ay itinayong may bicycle lane.
Mga Klasipikasyon ng Pasilidad ng Bisikleta
Sa ilalim ng DO 88, ang mga pasilidad ng bisikleta ay may tatlong klase: Class I o ang Shared Use Bike Path, Class 2 o ang Separated Bike Lane, at Class 3, ang Shared Roadway.
Sa Class I, may nakahiwalay na daanan para sa eksklusibong paggamit ng mga bisikleta o ibabahagi sa mga pedestrian. Sa Class 2, ang isang bahagi ng daanan, na itinalaga para sa eksklusibong paggamit ng mga bisikleta, ay makikilala sa pamamagitan ng isang strip ng pintura o harang. Sa Class 3, kung saan ang limitadong lapad ng kalsada ay nagdudulot ng problema, isang bahagi ng kalsadang opisyal na itinalaga at minarkahan bilang ruta ng bisikleta ay maaari ding gamitin ng mga sasakyang de-motor. Hindi magtatagal, magiging cycling country din ang Pilipinas.