top of page

Political Will sa Boracay Transformation

Anna Mae Yu Lamentillo

Bago ang anim na buwang pagsasara ng Boracay, ang coliform bacteria sa Bolabog ay umabot sa 1,000,000 most probable number (MPN) per 100 milliliter (ml). Napakakitid ng mga lansangan at halos hindi madaanan ng mga sasakyan. Nakikipagkompitensiya ang mga pedestrian sa mga pedicab at tricycle para sa anumang maliit na espasyo na natitira sa kalye. Walang mga bangketa. Ang mga establisyemento ay nakapasok sa dalampasigan, may ilang bahagi na halos wala ng natirang buhangin.


Makalipas ang anim na buwan, malaki ang pinagbago ng kalidad ng tubig. Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, ang naitalang halaga ng coliform bacteria ay 19-20 MPN/100 ml na lamang. Mas mababa pa ito kaysa sa acceptable threshold na 100 MPN/100 ml para sa mga lugar ng paglangoy, at 200 MPN/100 ml sa mga lugar para sa noncontact sport.


May kabuuang 1,438 na mga estruktura, na itinayo sa loob ng mga easement area, ang tinanggal. Ang mga kalye, na dating masyadong makitid para makapasok ang mga sasakyan, ay maluwag na para sa two-way traffic. Ang mga sidewalk ay ginawa ding PWD-friendly. Masisiyahan na ngayon ang mga turista sa mas malawak na beach front dahil mahigpit na ipinatupad ang 30-metrong easement mula sa baybayin.


Boracay Circumferential Road 1

Noong simula, sabi ng mga kritiko, ang pagsasara ng Boracay ay tila isang marahas na hakbang, hindi pinag-aralan ang diskarte. Walang basehan ang kanilang pahayag.


Noong bumisita ako sa Florida bilang bahagi ng International Visitor Leadership Program (IVLP) ng US Department of State, nalaman kong ang mga pagsasara ng mga beach ay bahagi ng isang standard operating procedure na may kinalaman sa Algal Bloom Monitoring. Kamakailan, isinara nito ang Jupiter Beaches sa Palm Beach County, Hobe Sound Beach, at Bathtub Beach sa Martin County.


Sa Rhode Island, sa sandaling ang konsentrasyon ng enterocci bacteria sa tubig sa dalampasigan ay lumampas sa 60 colony-forming units per 100 milliliter, isinasagawa nila ang pansamantalang pagsasara ng beach. Noong 2018 lamang, nagkaroon ng hindi bababa sa 40 beach closures sa Rhode Island, kabilang ang Briar Point Beach sa Coventry, Camp Beach sa Kingston, Bristol Town Beach, Oakland Beach sa Warwick, at Sandy Point Beach sa Portmount. Kamakailan lamang, ang Maya Bay ng Thailand, na pinasikat ng pelikula ni Leonardo DiCaprio na “The Beach,” ay isinara rin nang walang takdang oras kung kailan muling magbubukas.


Nang muling magbukas ang Boracay noong Oktubre 2018, binanggit ni Department of Public Works Secretary (DPWH) Mark Villar na binuksan din ang Phase 1 ng 4.1-kilometrong Boracay Circumferential Road at Flood Control Project.


Ngayon, ang alignment, na nabawi pagkatapos ng pagpapatupad ng 12-meter road setback rule, ay magkakaroon ng dobleng layunin—upang mapagaan ang daloy ng trapiko at bilang estrukturang pang-iwas ng baha.


Boracay Circumferential Road 2

Ang roadway plan, na kinabibilangan ng paglalagay ng kabuuang 1,273 piraso ng high-density polyethylene pipes (HDPE), pagtatayo ng loading at unloading bays, mga bangketa, at plant strips, ay nasimulan ng magamit noong Disyembre 2018.


Ang unang dalawang yugto ng 21.64-kilometrong Boracay Circumferential Road ay natapos noong Disyembre 2020. Ang proyekto ay magkokonekta sa mga pangunahing entry point ng Boracay at makakabawas sa oras ng biyahe ng halos 75 porsyento. Nagbibigay din ito ng access sa Ati Community Village.

Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page