top of page

Sino si Mark Villar?

Anna Mae Yu Lamentillo


Noong itinalaga si Secretary Mark Villar sa Department of Public Works and Highways (DPWH), marami ang hindi bilib sa kanya. Pero para sa akin, siya ang tama para sa posisyon. Ilang beses na niyang ipinakitang kaya niyang mamuno maging sa kritikal na sitwasyon.


Noong nag-inspeksyon kami sa Marawi ilang araw matapos mapatay sina Isnilon Hapilon at Omar Maute, kinailangan naming magmadali sa aming aerial inspection dahil may sumabog na bomba sa gusaling ilang metro lang ang layo sa aming chopper. Kalmado lang si Secretary Mark at sinabihan kaagad ang piloto na lumipad ng mas mataas para hindi kami mapahamak.


Ibang klase ang kaniyang dedikasyon. Hindi niya iniinda kahit 18 oras siyang nagtatrabaho araw-araw para matapos ang mga imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build”, dahil para sa kaniya, ito ay magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga Pilipino.


Inspeksiyon ng NLEX Connector

Madalas alas-siyete ng umaga ay nagsisimula na ang kaniyang mga meeting. Kung minsan ay wala nang oras para mag-almusal. Pero bago siya umalis ng bahay, pupunta muna siya sa kuwarto ni Emma Therese, ang kaniyang dalawang taong gulang na anak.


Sinabi niya sa akin na ang malaking kakulangan sa imprastraktura ng bansa ay hindi lamang nagdudulot sa bansa ng ₱2.4-bilyong pagkalugi sa isang araw, kundi ipinapagkait din nito sa mga Pilipino ang oras na sana ay nailagak na para sa pamilya, kaibigan, pag-aaral o pahinga.


Alam ng mga kasama sa trabaho ni Sec. Mark na nagtatrabaho siya ng higit sa 14 na oras sa isang araw. Madalas ang schedule ng kaniyang huling meeting ay sa gabi na, at kapag kailangang magbukas ng bagong kalsada o highway ang DPWH sa isang lugar na may mataas na trapiko, ipipilit niyang i-schedule ito nang 12:01 a.m. Sabi niya nga, ang pagsasaayos at pagbubukas ng mga daan ay hindi dapat makaabala sa trapik, hangga’t maaari.


Marami siyang kinaharap na pagsubok sa DPWH, tulad ng ghost projects, issue sa right-of-way, at pagbabanta sa kaniyang buhay. Pero alam niyang kailangang ipatupad ang mga reporma para maisagawa nang maayos ang mga proyekto ng gobyerno.


Inilunsad niya ang Infra Track app, isang fully automated na sistema ng pag- monitor ng mga proyekto. Dahil sa geotagging system, hindi madadaya ng contractor ang ipadadala niyang litrato para sa kaniyang progress report. Kaya siguradong walang ghost project sa DPWH.


Noong nagkaroon ng delay sa pagpapatupad ng Maysilo Mandaluyong Flood Control Project, binigyan ni Secretary Mark ng ultimatum ang contractor hanggang sa katapusan ng Setyembre. Tanda ko pa ang sabi nya “Finish the project or swim in Maysilo flood”.



Tinutukan niya ang proyekto, bumibisita ng walang anunsiyo, at nagbigay ng malinaw na pamantayan sa paggawa. At sa kanyang pamumuno, ang proyekto na tatlong taon nang delayed, natapos at napakinabanagan sa loob lamang ng tatlong buwan.


Ang Maysilo prototype ang naging batayan para sa Department Order 193, na nagbigay ng mga alituntunin sa mga kontratang may negative slippage. Ngayon, sa sandaling makapagtala ang proyekto ng pagkaantala ng limang porsyento, awtomatikong bibigyan ng babala ang contractor at kinakailangang magsumite ng catch up plan na magbibigay-daan para sa isang 24/7 na iskedyul ng konstruksiyon.


Kahit gaano kahirap ang trabaho, bihirang magreklamo si Secretary Mark, maliban na lamang kapag hindi na niya halos nakikita ang kaniyang mag-ina.


Mr. Sipag at Tiyaga

Hindi rin naging madali ang panliligaw ni Secretary Mark kay Undersecretary Em Aglipay-Villar. Hindi siya interesadong makipag-date at komportable na sa pagiging single. Naisip din noon ni Usec. Em na hindi matatanggap ni Secretary Mark ang kaniyang kalagayan dahil sa kanyang sakit na lupus. Madalas siyang nagpupunta sa ospital, nalalagas ang buhok, at nagkakaroon ng rashes. Noong umpisa, dumating sa punto na hindi niya kayang kumain at tumayo magisa.


Pero matapos ang isang taon na pangungulit, pumayag din si Usec. Em na lumabas sila. Naging maayos naman iyon at nasundan pa, hanggang sa nagdesisyon siyang ipakita kay Secretary Mark ang hitsura niya na walang wig at make-up. Kalbo siya noon at may butterfly rashes sa mukha. Pero sa halip na lumayo, natawa lang si Secretary Mark at sinabi sa kaniya na hindi niya kailangang magsuot ng wig at mag-make- up kapag magkasama sila. Kaya ang madalas niyang biro, “Pati asawa ko, nakuha ko sa Sipag at Tiyaga.



Anna Mae "Anime" Yu Lamentillo Logo
bottom of page