Walkable Cities
Anna Mae Yu Lamentillo
Originally published in Night Owl: A Nationbuilder's Manual (Edisyong Filipino)
Ayon sa World Health Organization (WHO), may 1.35 milyong katao angnamamatay bawat taon dahil sa aksidente sa kalsada, at hindi bababa sa 20 milyong higit pa ang nagtatamo ng pinsala, kung saan marami ang nauuwi sa kapansanan. Mahigit sa kalahati ng lahat ng pagkamatay sa trapiko sa kalsada ay mga naglalakad, nagbibisikleta, at nagmomotorsiklo. Nasa 93 porsyento ng mga pagkamatay sa kalsada ay nangyayari sa mga low- at middle-income na bansa, kahit na ang mga bansang ito ay may 60 porsyento ng mga sasakyan sa mundo. Ang mga pinsalang ito, bagama't maiiwasan, ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa tatlong porsyento ng gross domestic product ng bansa.
Ang 2030 Agenda for Sustainable Development ay nagtakdang bawasan ng kalahati ang pandaigdigang bilang ng mga pagkamatay at pinsala mula sa mga banggaan pagsapit ng 2020. Itinataguyod ng WHO ang “Safe System approach,” isang pamamaraang kinokonsidera ang mga kahinaan ng mga gumagamit ng kalsada, kabilang ang pagkakamali ng tao. Halimbawa, ang mga driver na gumagamit ng mga mobile phone, kahit pa hands-free o hand-held, ay apat na beses na mas malamang na masangkot sa isang pag-crash kaysa sa mga driver na hindi gumagamit ng mobile phone. Iminungkahi rin nito ang pagtatayo ng mga footpath, cycling lane, safe crossing points, at iba pang traffic calming measures.
Sa Pilipinas, madaling tanggapin na ang pag-unlad ay mas nakatuon sa kahusayan ng car mobility. Ang mga naglalakad ay hindi naging priyoridad sa pagpaplano sa karamihan ng mga urban center.
Sa pagsisikap na makapagbigay ng mas ligtas na kalsada para sa mga siklista at pedestrian, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagbukas ng hiwalay na 5.58-kilometrong bicycle lane facility sa kahabaan ng Laguna Lake Highway sa Bicutan, Taguig City noong Pebrero 7, 2019, tatlong buwan lamang matapos ang pagkompleto ng Laguna Lake Highway.
Ngunit ang imprastraktura ng pedestrian sa mga pampublikong kalsada ay hindi lamang nangyayari sa Maynila, kundi pati na rin sa ibang mga lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Halimbawa, ang Cagayan de Oro (CDO) Coastal Road, isang 12.77-kilometrong bypass road na inaasahang magpapadali sa pagpasok sa silangang bahagi ng Macajalar Bay sa CDO, Gingoog sa Bukidnon, Misamis Oriental, at Caraga, ay itinayo rin na may mga bicycle lane. Ito ay nagsisimula sa Brgy. Gusa sa silangang bahagi hanggang sa kanlurang bahagi ng Brgy. Igpit, Opol, sa Misamis Oriental. Inaasahang 20 minuto na lang oras ng biyahe mula sa Laguindingan Airport patungo sa city proper dahil sa proyekto.
Ang isa pang proyekto sa Mindanao, na magsasama ng mga bicycle lane ay ang Davao City Coastal Road, isang 18-kilometrong kalsada mula sa Jct. Bago Aplaya (timog) hanggang Sta. Ana Wharf patungo sa R. Castillo Street.
Sa Visayas, binibigyan din ng opsyon ang mga pedestrian na magbisikleta o maglakad sa kahabaan ng Bacolod Negros Occidental Economic Highway, isang 21.8-kilometrong kalsada na magsisilbing alternatibong ruta na daraan sa loob ng Bacolod City patungo sa Bacolod Silay Airport at iba pang destinasyon na panturista.
Ang Leyte Tide Embankment project, isang 27.3-kilometrong estrukturang pang-iwas ng baha mula sa Brgy. Diit, Tacloban City hanggang Brgy. Ambao, Tanauan, Leyte, na itinayo upang protektahan ang mga komunidad sa baybayin mula sa mapanirang epekto ng mga storm surge, ay magkakaroon din ng imprastraktura para sa pedestrian.