Lamentillo, kinilalang ‘Notable Female Government Leader of the Year’
February 21, 2023
Si Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo ay kinilala bilang Notable Female Government Leader of the Year.
Ang pagkilala ay iginawad kay Lamentillo sa Asia’s Modern Hero Awards 2023 na ginanap sa Okada Manila noong Pebrero 17, 2023.
Pinarangalan ng Asia’s Modern Hero Awards ang kabayanihan at kontribusyon ng mga natatanging indibidwal sa Public Service, Educational Institutions, Disaster Relief, Human Development, Civil Society, Health & Environment, Business & Entrepreneurial, Justice at Legal System.
“Nagpapasalamat ako sa mga miyembro ng Asia’s Modern Hero Awards Council para sa parangal na ito. Ang kilalanin bilang Heroes’ Notable Female Government Leader of the Year ay nakakataba ng puso, dahil isa lamang ako sa maraming lingkod-bayan, pinuno at mamamayan na gumagawa ng kanilang bahagi para sa pag-unlad ng ating bansa,” ani Lamentillo.
“Hindi natin makakamit ang tagumpay ng ‘Build, Build, Build’ kung hindi dahil sa 6.5 milyong Pilipino na tumulong sa atin sa pagbuo ng mga proyektong pang-imprastraktura upang mapabuti ang mobility at connectivity, at magbukas ng mga pagkakataon para sa kaunlaran sa kanayunan. Ngayon, sa ating layunin na ‘Build Better More’, mas marami tayong magagawa sa patuloy na suporta ng ating mga kababayan, lalo na sa pagbabago ng ating bansa sa upang maging isang digital nation,” dagdag niya.
Si Lamentillo ay Undersecretary for Public Affairs and Foreign Relations ng DICT, na siyang namamahala sa strategic communications at media, international relations, at legislative affairs ng Departamento. Siya rin ang tagapagsalita ng Departamento at focal person para sa mga direktiba ng Pangulo at gabinete.
Bago ito, siya ang chairperson ng Build, Build, Build Committee ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang concurrent chairperson ng Infrastructure Cluster Communications Committee.
Kinilala rin ng Asia’s Modern Hero Awards 2023 sina Metro Pacific Investments Corp. Chairman, President and CEO Manuel V. Pangilinan; Rep. Richard Gomez; Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez; Rep. Elpidio Barzaga Jr.; Charo Santos-Concio; Karen Davila; The Manila Times President and CEO Dante "Klink" Ang II; The Manila Times Chairman Emeritus Dante A. Ang Sr.; Philippine Economic Zone Authority (PEZA) OIC Director General Tereso Panga; Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, bukod sa iba pa.